Bilang ng mga Pinoy na naghihirap at nagugutom, tumaas ngayong 2017-SWS survey
Pumalo na sa limampung (50) porsyento ng mga Pilipino o tinatayang labing isa punto limang (11.5) milyong pamilya ang nagsabing sila ay mahirap, mas mataas sa apatnapu’t apat (44) na porsyento sa huling quarter ng 2016.
Batay ito sa resulta ng Survey ng Social Weather Stations na ginawa noong Marso 25 at 28.
Nakita rin sa survey na para matugunan ang pangangailangan ng isang pamilya, kailangang hindi bababa sa dalawampung libong pisong (₱20,000) ang buwanang budget ng mga nakatira sa Metro Manila at sampung libong piso (₱10,000) naman sa nalalabing bahagi ng bansa.
Samantala, walo punto isang (8.1) milyong pamilya naman ang nagsabing sila ay food-poor at ito ay mas mataas sa pito punto pitong (7.7) milyong pamilya noong huling quarter ng 2016.
Natukoy din sa survey na para matugunan ang pangangailangan sa pagkain, ang isang pamilya na nakatira sa Metro Manila ay kailangang mayroong siyam na libong pisong (₱9,000) budget para sa pagkain at limang libong pisong (₱5,000) budget para sa nalalabing bahagi ng bansa.