BIR Commissioner, kinastigo ng Kamara dahil sa pagtangging pumasok sa out of court settlement sa mga kumpanyang may tax evasion case
Ngayong araw ng paggawa kinastigo ng chairman ng Committee on Labor and Employment sa Kamara si BIR Commissioner Caesar Dulay dahil sa bantang pagpapasara sa isang kumpanya ng sigarilyo na maaaring magdulot ng pagkawala ng trabaho ng humigit kumulang 30 libong Pinoy.
Giit ni Cagayan Rep.Randolph Ting, chairman ng komite, hindi dapat kontrahin ng BIR ang posisyon Pang.Rodrigo Duterte na pumasok sa out of court settlements ang gobyerno sa mga kumpanya na nahaharap sa tax evasion cases para makalikom ng pondo para sa pro-poor programs ng pamahalaan.
Suportado rin ni Manila Cong. Manny Lopez ang out of court settlements sa mga kumpanyang ito pagkat malaking bagay ang malilikom na pondo rito para sa upgrading ng mga pampublikong ospital na malaking tulong sa mga mahihirap.
Una ng sinabi ni Dulay na ipapasara nila ang Filipino cigarette manufacturing company na Mighty Corporation ngayong buwan.
Para sa kongresista, maaari namang patawan ng parusa ang nasabing kumpanya pero huwag naman sanang kanselahin ang operasyon nito para sa kapakanan ng libo libong pinoy na ang hanap buhay ay nasa industriya ng tobacco.
Dahil aniya sa bantang pagpapasara, anim na libong empleyado ng Mighty Corporation ang mawawalan ng trabaho, at kung isasama ang pamilya ng mga ito na maaapektuhan din dahil sa pagkawala ng trabaho ay nasa 30 libong pinoy ang apektado ang pamumuhay.
Idagdag pa rito ang mahigit limamput limang libong magsasaka ng tobacco at kanilang pamilya na maaapektuhan rin dahil sa biglang pagbaba ng produksyon.
Sa pagtaya ni Ting, lahat ng tobacco-producing provinces ay maaapektuhan rin dito at maaaring mawalan ng alokasyon mula sa sin tax law kung hindi na makakapagtanim ng tobacco ang mga magsasaka.
Una nang nagsampa ng p9.5-billion tax evasion case ang BIR laban sa Mighty Corporation sa DOJ.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo
