BuCor Chief Gregorio Catapang Jr. tinanggap ang pagbibitiw ni dating OIC Deputy Director General Angelina Bautista
Kinumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) na tinanggap na ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. ang pagbibitiw ni Head Executive Assistant at OIC Deputy Director General for Operations Jail Senior Inspector Angelina Bautista.
Si Bautista ay una nang ni-relieve sa puwesto at naghain ng resignation dahil sa mga panibagong isyu at pangyayari sa New Bilibid Prisons.
Nilinaw naman ni Catapang na tuloy ang mga imbestigasyon kahit nagbitiw na si Bautista para lumabas ang katotohanan
Sinabi pa ni Catapang na bilang bahagi ng standard government procedure ay kailangan muna na isuko ni Bautista ang lahat ng inisyu sa kaniyang government properties sa ilalim ng memorandum receipts bago mabigyan ng clearance.
Iginiit naman ni Bautista na walang batayan ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Binigyang -diin din nito na hindi nangangahulugan ng pag-amin sa mga malisyosong akusasyon sa kaniya ang kaniyang resignation.
Sa hearing ng Senado noong nakaraang linggo, sinilip ang civil service eligibility ni Bautista at ang catering service nito noong 2018 sa Correctional Institution for Women.
Moira Encina