Checkpoints at seguridad sa paligid ng Malacanang mas lalo pang pinaigting ng MPD
Ipinag-utos ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa Manila Police District ang mas pinaigtingin pang seguridad sa paligid ng Malacañang, at iba pang government offices kaugnay ng pagkubkob ng Maute Group sa Marawi City.
Inatasan ni Erap ang MPD na maglatag ng checkpoints at magpakalat ng karagdagang patrols sa paligid ng Malacañang at iba pang lugar na maaaring atakihin ng teroristang grupo o sinuman na maaring magtangka ng panggugulo.
Nanawagan din si Erap sa mga residente ng Maynila na maging kalmado, maging alerto at higit sa lahat ay maging mapagmatiyag.
Pinahintulutan din ng alkalde si MPD Director Chief Supt. Joel Coronel na gamitin lahat ng pwersa ng MPD upang mapanatili ang kaayusan sa lungsod.
Ayon kay Coronel, naglatag na sila sa paligid ng palasyo ng Malacañang ng mga security checkpoint at 24/7 na mobile patrols sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Presidential Security Group.
Samantala, nagpakalat na rin ng anti-riot policemen na inilagay sa US embassy sa Roxas Boulevard at sa Supreme Court sa Ermita para pigilan ang anumang planong mga kilos-protesta.
Ulat ni: Earlo Bringas

