COMELEC, inatasan ng SC na magsumite ng gagastusin para sa electoral protest ni BBM vs VP Robredo
Inatasan ng Korte Suprema ang COMELEC na tumugon sa mandato dito na magsumite ng itemized cost na maaring bayaran nito kaugnay sa electoral protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Sa isang resolusyon ng Supreme Court na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal, pinagsusumite nito ang COMELEC ng report ng aktwal na halaga na maaring gastusin o bayaran nito sa gagamiting election machines para sa recount ng mga boto.
Nais din malaman ng PET sa COMELEC kung nakipag ugnayan na rin ang Smartmatic-TIM kaugnay sa gagamiting poll machines.
Noong nakaraang Nobyembre pa unang iniutos ng PET sa COMELEC na isumite ang posibleng gugulin nito sa ilalim ng Automated Election System (AES) contract para sa recount.
Ipinag-utos na rin ng Supreme Court na itago o ipreserba ang lahat ng automated election equipment ,Vote Counting Machines , Consolidation and Canvass System units,SD cards at iba pang data storage devices na ginamit sa lahat ng presinto noong May 2016 elections.
Itinakda ng Korte Suprema ang preliminary conference sa parehong protesta ni Marcos at counter-protest ni Robredo sa June 21.
Ulat ni: Moira Encina