Coverage at tagal ng Bar Examinations, binawasan at iniklian ng Korte Suprema
Sa harap ng banta ng Omicron variant ng COVID-19 at epekto ng bagyong Odette, nagpasya ang Korte Suprema na bawasan ang coverage at iklian ang tagal ng 2020/2021 Bar Examinations.
Dahil dito, dalawang araw na lamang o sa Enero 23, Linggo at Enero 25, Martes ang pagsusulit sa halip ng tradisyunal na apat na bar Sundays.
Ang coverage din ng bar exams na dating walong subjects ay pinagsama o pinag-merge na lamang sa apat na sets ng pagsusulit.
Ang mga ito ay ang: (1)The Law Pertaining to the State and its Relationship with its Citizens na dating Political Law, Labor Law, at Taxation Law; (2) Criminal Law; (3)The Law Pertaining to Private, Personal, and Commercial Relations na dating Civil Law at Commercial Law; at (4) Procedure and Professional Ethics na dating Remedial Law, Legal Ethics, at Practical Exercises.
Pinayuhan naman ng Supreme Court ang mga examinees na sumailalim sa self-quarantine simula sa Enero 9 o dalawang linggo bago ang bar exams.
Sinabi pa ng SC na hindi na maaaring ipagpaliban muli ang bar exams.
Gayunman, ay maaari naman anila itong maidaos sa mas humane o makataong pamamaraan bunsod ng health crisis at kalamidad.
Simula anila nang magkaroon ng pandemya ay walang naging bagong abogado ang bansa
Paliwanag pa ng Korte Suprema, ang mga pagbabago sa bar exams ngayon ay para matugunan ang demand sa mga bagong abogado.
Sa Enero 16, 23, 30, at Pebrero 6 ngayong taon sana ang pagdaraos ng bar exams na ilang beses na ring naipagpaliban dahil sa pandemya.
Ang 2020/2021 Bar Examinations ang kauna-unahan ding localized at computerized bar exams sa bansa.
Moira Encina