Customs fixer mark ruben taguba at negosyanteng Kenneth Dong na mga dawit sa 6.4b pesos na shabu smuggling sinampahan ng bir ng tax evasion case sa DOJ

0
index

Ipinagharap ng reklamong tax evasion sa DOJ ng BIR sina customs fixer Mark Ruben Taguba II at ang negosyanteng si Yi Shen Dong alyas Kenneth Dong na sangkot sa mahigit anim na bilyong pisong halaga ng smuggled shabu galing sa China.

Ayon kay BIR Commissoner Caesar Dulay, kabuuang 850.57 million pesos ang hindi binayarang buwis ni Taguba mula 2009 hanggang 2016.

Umaabot naman anya sa 11.4 million pesos ang hinahabol na buwis ng BIR kay Dong para sa mga taong 2003 hanggang 2017.

Ang kaso laban kina Taguba at Dong ay nag-ugat sa isinagawang imbestigasyon ng senado at kamara kaugnay sa pagkakapuslit sa bansa ng 6.4 billion pesos na shabu mula sa China.

Sinabi ni Dulay na batay sa testimonya ni Taguba sa mga pagdinig ng kongreso na bilang customs fixer ay tumatanggap ito sa kanyang mga kliyente ng 170 thousand hanggang 190 thousand pesos kada container van.

Ssa datos aniya ng Bureau of Customs at congressional hearings, kabuuang 7458 ang container vans na naipasok ng mga consignees ni taguba noong 2016 habang 7694 naman noong 2017.

Dahil dito lalabas anya na kumita si Taguba ng halos 1.3 billion pesos noong 2016 lamang.

Bukod dito ay bigo rin si Taguba na irehistro ang kanyang trucking business at iba pang ventures kaya di ito nakapaghain ng income tax at value addes tax returns.

Bumili rin ito noong 2016 ng chevrolet trailblazer na may halagang 1.5 million pesos at yamaha mio na halos 70 thousand pesos.

Sa kaso naman ni Dong, sinabi ni Dulay na inamin nito na hindi siya nagbayad ng anomang buwis sa mga kinita niya mula sa kanyang mga transaksyon kay taguba at nagbigay siya ng kontribusyon sa kampanya ng ilang kandidato.

Ayon kay Dulay, hindi naghain ng anomang income tax return, value added tax return at percentage tax return si dong mula 2004 hanggang 2017 at di nagdeklara ng kinita sa mga taong 2013 at 2016.

Ito ay sa kabila ng pagbili nito ng tatlong mamahaling sasakyan noong 2013 at 2016 at townhouse unit sa paranaque noong 2013 at ng natanggap na kompensasyon mula sa asuki weighing system noong 2013 at 2015.

Nilinaw naman ni Dulay na hindi pa lusot sa tax evasion case ang iba pang personalidad sa smuggled shabu shipment dahil patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

Ulat ni Moira Encina

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *