DA-BFAR 2, nagsagawa ng fisheries stock enhancement sa ilalim ng BASIL Project sa mga freshwater fish sanctuary

Courtesy: DA-BFAR Region 2
Nagsagawa ang Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 2 (DA-BFAR 2), ng fisheries stock enhancement sa ilalim ng Balik Sigla sa Ilog at Lawa o BASIL Project, sa lalawigan ng Quirino.
Ang BASIL ay programa ng Pilipinas sa rehabilitasyon, na naglalayong ibalik at protektahan ang mga anyong tubig sa loob ng bansa, gaya ng mga lawa, ilog, at imbakan ng tubig, upang mapabuti ang biodiversity, mapalakas ang produksyon ng isda, at maibsan ang kahirapan ng mga mangingisda.
Dalawampu’t pitong libong piraso ng elvers ang pinakawalan sa freshwater fish sanctuaries sa nasabing lalawigan.
Ang freshwater fish sancturies ay nagsisilbing protektadong lugar, kung saan malayang nakapagpaparami at lumalaki ang mga isda at iba pang organismong pantubig.
Kabilang sa mga pinag-istakan ay ang Governor’s Rapids Freshwater Fish Sanctuary sa Divisoria Sur, Maddela at ang Siitan Freshwater Fish Sanctuary sa San Ramos, Nagtipunan.
Katuwang sa nasabing aktibidad na pinangunahan ng Provincial Fishery Office ng Quirino, ang PLGU-OPAg Quirino, Municipal Agriculture Offices, fish wardens, at fisherfolk leaders.