Dalawang Chinese nationals kinasuhan ng US ng pagtatangkang mag-recruit ng US Service Members

0

United States Department of Justice logo and U.S. flag are seen in this illustration taken April 23, 2025. REUTERS/Dado Ruvic/Illustration/File Photo

Kinasuhan ng U.S. prosecutors ang dalawang Chinese nationals na nagpanggap na agents ng security service ng China, at inakusahan ang mga ito ng pangangalap ng intelihensiya tungkol sa U.S. Navy bases, at nagtangka pang mag-recruit ng Navy members na handang maging spy para sa Beijing.

Ayon sa Justice Department, nagsagawa ang mga suspek ng isang “dead-drop payment” ng humigit-kumulang $10,000 sa isang locker sa isang recreational facility sa Northern California noong 2022, kapalit ng U.S. national security information na naipasa na sa Chinese intelligence.

Si Yuance Chen, 38-anyos, legal permanent resident na nakatira sa Happy Valley, Oregon, at Liren “Ryan” Lai, 39-anyos, na dumating sa Houston mula China noong Abril gamit ang isang tourist visa, ay inaresto noong Biyernes.

Ang dalawa ay nagtatrabaho para sa Ministry of State Security ng China at una nang nagpakita sa federal court sa Houston at Portland, Oregon nitong Lunes.

Wala nang ibinigay na detalye ang Justice Department sa kung sino ang nagbigay ng national security information o military members na tinangkang i-recruit.

Ayon sa Justice Department, “After the 2022 incident, the pair continued to work on behalf of the MSS, including to help identify potential assets for MSS recruitment within the ranks of the U.S. Navy.”

Sinabi naman ni FBI Director Kash Patel, “The Chinese Communist Party thought they were getting away with their scheme to operate on U.S. soil, utilizing spy craft, like dead drops, to pay their sources.”

Sa isang pahayag sa Reuters, sinabi ni Chinese Embassy spokesperson Liu Pengyu na hindi niya alam ang naturang kaso, ngunit pawang “assumptions at speculations” lamang aniya ang mga alegasyon, at inakusahan ang U.S. ng pagiging ipokrito sa kanilang global intelligence operations.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *