Dalawang kongresista umatras bilang co-author ng Tax Reform Bill
Umatras na sina Bayan Muna Rep. Carlo Zarate at Act Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio bilang co-authors ng isinusulong na Tax Reform Package ng Duterte administration.
Si Zarate ay nagpadala na ng liham kina House Majority Leader Rodolfo Fariñas at House Ways and Means Committee Chairman Dakila Cua para sa pormal na pag-withdraw ng Authorship sa House Bill 5636 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion.
Si Tinio ay sumulat naman kay House Secretary General Cesar Pareja para ipagbigay alam na boboto siya ng NO sa panukala.
Paliwanag ni Zarate, ang nilalaman ng consolidated version ng Tax Reform measure na ito ay taliwas sa nilalayon ng orihinal niyang inihain panukala.
Sa panukala ni Zarate, pinababawasan lamang ang income tax ng mga manggagawa.
Pero sa consolidated version aniya ay mas mabibigatan pa ang manggagawa at mahihirap kahit ngayon ay masasabing overtaxed na ang mga ito.
Banta ni Zarate, lahat ng serbisyo at bilihin ay tiyak na magtataasan ang presyo kapag naisabatas ang tax reform measure ng administrasyon.
Sa panukala naman ni Tinio layon na maibaba ang income tax ng mga manggagawa para mapalaki ang take home pay ng mga ito.
Ayon sa kongresista, hindi na niya masusuportahan ang Tax Reform Package na ito dahil hindi na ito naglalaman ng kanyang adbokasiya para sa mas mababang pagbubuwis.
Target ng Kongreso na maipatupad ang bagong reporma sa pagbubuwis sa Nobyembre o sa mga huling buwan ng 2017 o sa unang buwan ng 2018.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo