Dalawang pleadings ipinasa na ng Kamara sa impeachment court
Nagsumite na ang prosekusyon ng Kamara ng dalawang pleadings sa clerk of court ng Senate impeachment court.
Kasama sa kanilang isinumite ang listahan ng mga pangalan ng mga kongresista na tatayog miyembro ng prosecution panel.
Bukod dito, nagsumite na rin sila ng certification na nagsasabing walang nilabag na batas ang Kamara, sa pagahhain ng impeachment complaint laban sa bise presidente.

Senate Secretary Renato Bantug / Courtesy: Senate PRIB
Hindi pa maidetalye ni Senate Secretary Renato Bantug ang iba pang pleadings, dahil ipadadala pa ito sa mga senador bilang Senator judges.
Pero nilinaw niyang hindi pa ito ang reply sa motion to dismiss na inihain ng kampo ng bise presidente nitong Lunes.
Sinabi ni Senate President Francis Escudero na siyang tumatayong presiding officer, na hihintayin nila hanggang June 30 ang reply ng prosecution panel sa sagot ni Duterte sa summon ng Senado.

Pero hindi pinagbigyan ng impeachment court ang hirit ng prosekusyon na agad magtakda ng pre-trial at trial date sa impeachment case.
Paalala ni Escudero, matatapos na sa June 30 ang awtorisasyon ng mga kongresista bilang prosecutor.
Aniya, “Ang issue ay ang authority. Ang awtorisasyon na binigay ng 19th congress sa prosecutors, na re-elect man sila o hindi ay hanggang June 30 na lamang. Kailangang bigyan sila ng panibagong awtorisasyon ng Kongreso na magsilbi bilang pareho man o magkaibang prosecutors sa ilalim ng 20th congress.”
Kailangan din aniya nilang mag-comply sa isa pang kautusan ng korte, ang magpasa ng resolusyon na desidido silang ituloy ang paglilitis sa 20th congress.
Sakaling maghalal aniya ng mga bagong prosecutor na mangyayari lamang sa pagbubukas ng susunod na kongreso sa July 28, saka magpapasya ang impeachment court na mag-reconvene at magtakda ng petsa ng paglilitis.
Ayon kay Escudero, “Kaya nga di pa kumpleto compliance nila. 2 compliance na hinihingi ng IC. Isa, kung puwede mabigay ng 19th congress. 2, decision ng 20th congress to pursue it. July 28 magre-resume pero ceremonial kasi SONA ng pangulo. Magsisimula pa lang magtrabaho July 29. Pero di kami puwede mag-schedule agad hanggang una wala pa prosec. 2, wala pa compliance in one shape or another.”
Tumanggi naman si Escudero na magdetalye ng motion to dismiss na inihain ni Duterte.
Oras na mag-convene ang impeachment court, saka pa lang aniya mapag-uusapan ang tungkol sa kahilingan ng kampo ni VP Sara na ipabasura ang impeachment complaint.
Sakaling mauwi sa botohan ang motion to dismiss ng kampo ni VP Sara, simple majority o labingpitong boto lang ang kailangan para maaprubahan ito.
Sabi ng pangulo ng Senado, “Paano kami magta-trial na wala yung kabilang panig. Alangan naman mag-attend lang abogado ni VP Sara. That will be unfair. I’ve been saying this since day 1. Dahil late finile ng Kamara, inabot na ng June 30. I would’ve wanted to conduct pre-trial but authority ng prosec only until June 30 lang.”
Meanne Corvera