Dating PBA player Dorian Pena pinasasampahan ng kaso ng DOJ dahil sa paggamit ng illegal na droga
Inirekomenda na ng DOJ na kasuhan sa Korte ang dating PBA player na si Dorian Peña dahil sa paggamit ng iligal na droga.
Sa resolusyon ng DOJ panel, nakitaan nito ng sapat na probable cause para sampahan ng kasong paglabag sa Section 15 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act o Republic Act 9165 si Peña dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ang dating basketbolista ay naaresto kasama ang dalawang iba pa na sina Jose Paolo “JP” Ampeso, at Ledy Mea “Mae” Vilchez sa buy bust operation sa isang condominium unit sa Mandaluyong City noong May 10.
Nakumpiska sa grupo nina Peña ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng shabu, ilang piraso ng drug paraphernalia at weighing scale.
Nagpositibo sina Peña at mga kasamahan nito sa paggamit ng droga.
Samantala, ipinagpaliban ng DOJ ang desisyon nito sa reklamo laban kay Peña kaugnay sa pagbisita nito sa drug den na paglabag sa Section 7.
Magsasagawa ng preliminary investigation ang DOJ para resolbahin ang isyu kung drug den ang condo unit kung saan naaresto ang dating PBA player.
Ididetermina rin ng panel kung kakasuhan ng pagbebenta ng iligal na droga si Peña.
Ulat ni: Moira Encina
