Dating Senadora Evangelina “Eva” Estrada Kalaw, bibigyan ng necrological service sa Senado
Bibigyan ng necrological service ng Senado ang namatay na si dating Senadora Evangelina “Eva” Estrada Kalaw.
Ang pagtanggap sa labi ng dating Senadora ay pangungunahan ni Senate President Aquilino Pimentel, at iba pang Senador kasama din si Senate Secretary Ludgardo Barbo at mga empleyado ng Senado.
Bahagi ng necrological service ang pagbibigay ni Pimentel, sa pamilya ni Kalaw ng ipinasa nilang resolusyon na nagpapahayag ng kanilang pakikidalamhati sa pagpanaw ng Senadora.
Si Kalaw ay ikalimang babae na nahalalal bilang Senador noong 1965 at kauna unahang babae na nanalo sa re-election noong 1971.
Umabot sa 41 panukala ang iniakda ni Kalaw na kinabibilangan ng Salary Standardization for Public School Teachers, Creation of Local School Boards at Education Financing Act.
Siya rin ay naging chairperson ng Senate Committees on Games and Amusement at ng Committee on Tourism and the National Minorities.
Si Kalaw ay kilalang opposition leader sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at mariing tumutol sa ideklarang Martial Law hanggang sa maganap ang People Power Revolution noong 1986.
Si Kalaw din ang nagtatag at Chairperson ng Samahang Filipina at naging unang Pangulo rin siya ng Jayceerettes Foundation.
Ulat ni: Mean Corvera
