Deliberasyon sa impeachment complaint vs. Duterte tatapusin ng kamara bago mag-adjourn sa Hunyo
Ngayon pa lang tiniyak na ni House Justice Committee Chairman Rey Umali na kakayanin nilang tapusin ang deliberasyon sa impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte bago mag recess muli ang sesyon sa unang linggo ng Hunyo.
Sinabi ni Umali na sa susunod na linggo ay tiyak na nai-refer na ni Speaker Pantaleon Alvarez sa kanyang komite ang reklamong impeachment ni Magdalo Rep. Gary Alejano laban sa Pangulo.
Inaasahang kasabay na nitong ire-refer ang supplemental complaint ni Alejano.
Ayon kay Umali, mabilis nila itong aaksyunan dahil kilala naman ang record ng Justice committee ng kamara sa agarang disposisyon ng trabaho nito.
Sa pagdinig ng impeachment complaint, dedeterminahin muna kung sufficient in form ito kasunod kung sufficient in substance ito.
Kapag pumasa sa dalawang bahagi na ito, tutukuyin kung may probable cause ang reklamo para dumiretso sa paglilitis saka bibigyan ng notice si Pangulong Duterte para magsumite ng kanyang sagot.
Pero naniniwala si Umali na hindi na hahantong sa puntong ito ang reklamo ni Alejano dahil tiyak na maibabasura agad ito bunga ng mas lumakas pang alyansa ng Super Majority sa Kamara.
Ulat ni : Madelyn Villar – Moratillo