DOJ pormal nang hiniling sa Makati City RTC na magpalabas ng alias warrant of arrest at hold departure order laban kay Senador Antonio Trillanes IV
Pormal nang hiniling ng Department of Justice o DOJ sa Makati City Regional Trial Court na magpalabas ng alias warrant of arrest at hold departure order laban kay Senador Antonio Trillanes IV.
Ito ay batay sa Very Urgent Ex-Parte Omnibus Motion na inihain ng DOJ sa Makati City RTC Branch 148.
Nakasaad sa mosyon ng DOJ na nakabinbin pa ang kasong kudeta laban kay Trillanes kaugnay sa Oakwood mutiny, Marine stand-off at Manila Peninsula incident.
Ayon sa DOJ, hindi pa terminated ang kaso dahil hindi pa naipapalabas ng hukuman ang promulgation of judgment.
Tinukoy ng DOJ na ang promulgation of judgment ay sinuspend lamang ng korte noong December 16, 2010.
Hiniling pa ng DOJ sa korte na atasan ang Bureau of Immigration na pigilan si Trillanes na lumabas ng bansa habang dinidinig ang kaso laban dito.
Katwiran ng DOJ, mayroong kakayanan si Trillanes bilang senador para makatakas ng bansa kaya dapat magpalabas ng HDO laban dito ang korte.
Ang mosyon ay nilagdaan nina OIC Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera at Assistant State Prosecutor Mary Jane Sytat.
Ulat ni Moira Encina