DOLE iniutos sa Nutri-Asia na gawing regular ang 80 manggagawa nito
Ipinagutos ng Department of Labor and Employment sa Nutri-Asia Incorporated na gawing regular sa trabaho ang 80 manggagawa ng isa sa mga kontraktor nito.
Ito ay matapos madiskubre na labor-only contracting ang umiiral sa pagitan ng Nutri-Asia at ng AsiaPro Multi-Purpose Cooperative.
Sa kautusan ni DOLE Regional Office 3 Director Zenaida Angara-Campita, sinabi na walang kakayanan ang AMPC na bumili ng sarili nitong mga kagamitan at makinarya dahil umuupa lamang ito ng mga gamit mula sa Nutri-Asia.
Ayon sa DOLE, lumalabas din na hindi lang ang AMPC ang may kontrol at pangangasiwa sa mga manggagawa nito na gumaganap ng trabahong kinontrata ng Nutri-Asia.
Ang mga manggagawa ng AMPC din anila ay may papel din sa quality control at research and development na direktang konektado sa pangunahing negosyo ng Nutri-Asia.
Ipinahihinto na rin DOLE sa AMPC ang pangongontrata ng mga manggagawa.
Inihayag naman ng DOLE na sumusunod sa labor laws ang iba pang kontraktor ng Nutri-Asia na ang B-Mirk Multi-Purpose Cooperative, Fast Services Corporation, Bison Security and Investigation Agency, City Service Corporation, at Manchester Engineering.
Ulat ni Moira Encina