E-Jeepney project ng Muntinlupa City, wagi sa Canada
Nanalo ng Best Customer Experience award ang Electric Jeepney o E-Jeepney Ride for Free ng Muntinlupa City sa ginanap na Union Internationale des Transports Publics (UITP) Awards 2017 sa Montreal Canada.
Ang E-Jeepney Ride for Free ng Muntinlupa City ay isang Public-Private partnership project ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa at Lingkod Muntinlupa foundation.
Sa nasabing proyekto, makakasakay ng libre sa shuttle service ang mga Muntinlupa care card holders mula sa E-JRF units hanggang sa main road ng lunsod.
Kinilala ang mga E-Jeepney ng Muntinlupa City bilang isa sa mga Best Public transport modal share sa buong mundo mula sa 240 entries ng 40 bansa.
Matatandaaang ang Muntinlupa City ay idineklarang E-Jeepney Capital of the Philippines at Greenest city sa bansa dahil sa paggamit ng episyente at non-polluting e -jeepneys.
Ang Muntinlupa City rin ang unang nag-adapt ng paggamit ng eco-friendly e-vehicles kumpara sa iba pang mga local government units at ang lunsod rin ang may pinakamaraming e-jeepneys na makikitang bumibiyahe sa lunsod na umaabot na ngayon sa mahigit 30.
Umaasa naman si Mayor Jaime Fresnedi na ang nasabing inisyatiba at pagkilala sa kanilang mga e-jeepneys ay makahihikayat sa ibang lokal na pamahalaan sa buong bansa na gummait ng energy efficient at eco friendly transport system gaya ng mga E -Jeepneys.

