Economic security clusters ng gobyerno hinimok na magplano sa epekto ng Russia-Ukraine tensions
Pinaglalatag ni Senador Francis Tolentino ng hakbang ang economic at security clusters ng Malacañang dahil sa nagbabadyang epekto ng nangyayaring giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Tinukoy ni Tolentino ang global inflation at pagbaba ng stocks sa buong mundo.
Babala ni Tolentino, sa loob lamang ng dalawang linggo maaring maramdaman ng pilipinas at mga karatig bansa sa timog silangang asya ang epekto ng hidwaan ng Russia at Ukraine, lalo na kung humantong ito sa tinatawag na ‘prolonged warfare.’
Ayon sa Senador dapat kumilos ang Bangko Sentral at iba pang financial institutions para paghandaan na ang posibleng epekto ng krisis.
Katunayan nakatakda aniyang sumirit sa ika-siyam na sunod na linggo ang presyo ng gasolina at diesel habang namimiligro ring tumaas ang presyo ng tinapay matapos umakyat sa 9.32 dollars ang presyo ng inaangkat na trigo.
Sa ngayon, ang Russia ang pinakamalaking supplier ng trigo sa buong mundo at tinatayang nagbebenta ng 35-milyong tonelada kada taon.
Kabilang din ang Russia sa top 5 oil exporters ng daigdig.
Ayon kay Tolentino, dapat siguraduhin ng pamahalaan na sapat ang supply at abot-kaya pa rin ang presyo ng pagkain at gasolina para sa karaniwang tao sa kabila ng naka-ambang economic restrictions na posibleng ipataw laban sa Russia ng Estados Unidos at European union.
Meanne Corvera