Ilang kongresista, dumalaw kay Sen. de Lima sa Kampo Krame
Dinalaw ng ilang kongresista si Senadora Leila de Lima sa piitan nito sa Camp Crame, habang inaasahang magsisimula na ang pagpupulong ng mga Senador ukol sa death penalty.
Nagtungo sa Philippine National Police Custodial Center sina Reps. Edcel Lagman, Gary Alejano, Edgar Erice, Emmanuel Billones, Raul Daza at Teodoro Baguilat para bisitahin si de Lima.
Matatandaang kabilang ang anim na kongresistang ito sa mga bumoto kontra sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan nang talakayin ito sa House of Representatives.
Pumasa man ang panukala sa mababang kapulungan noong Marso, sisimulan nanitong busisiin ng Senado sa mga susunod na araw.
Nauna rito, sumulat si de Lima na nais nitong pansamantalang makalaya para makaboto sa ilang mga panukalang-batas na mapag-uusapan sa Senado.