Implementing Rules and Regulations ng Anti Distracted Driving Act rerebisahin ng Senado sa susunod na linggo

0
anti1

Magpapatawag na ng pagdinig ang Senado sa susunod na linggo para busisiin ang Implementing Rules and Regulations o IRR ng Anti-Distracted Driving Act.

Ito’y kahit pansamantala nang sinuspinde ang implementasyon ng batas dahil sa sangkatutak na reklamo mula sa mga motorista.

Ayon kay Senadora Grace Poe, Chairman ng Senate Committee on Public Services, kailangang malinawan kung ano ba talaga ang ipinagbabawal ng batas na nakaka distract o makakaapekto sa pagmamaneho.

Ayon kay Poe, intensyon ng batas na ipagbawal ang paggamit ng cellphone o anumang eletronic gadgets na makakaagaw sa paningin ng driver sa kalsada at maaring maging sanhi ng aksidente.

Pero ang problema ayon kay Poe, sa IRR na inilabas ng Dept. of Transportation ay lumawak ang mga ipinagbabawal na sinakop na maging air freshener at mga naka display sa  dashboard ng sasakyan.

“Yung sa Anti-Distracted Driving Act, ito ay isang batas pagdating sa mga electronic devices, communication devices. Pero paglabas ng regulasyon ng LTFRB parang nagmalabis sila at kung anu-ano pa, parang bawal kumain, may ganun yata. Nakita na natin, nandoon na tayo na dapat ligtas pero hindi pwedeng sumobra sa kung ano ang pinapayagan ng batas”. – Sen. Poe

Inihain naman ngayon ni Senator JV Ejercito ang Senate Resolution No. 386 na nagpapa suspinde pansamantala sa Anti-Distracted Driving Act para bigyang pagkakataon ang pagbusisi sa IRR nito.

Sinuportahan naman ito ni Senate Majority Leader Tito Sotto III sa pagsasabing hindi lahat ng nasa dash board ng sasakyan o harapan ng driver ay kailangang tanggalin.

Ulat ni: Mean Corvera

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *