Janet Napoles, inabswelto ng CA sa kasong illegal detention

Ipinawalang-sala ng Court of Appeals 12th Division si Janet Lim Napoles sa kasong serious illegal detention kaugnay sa sinasabing pagkulong at pagdukot nito kay PDAF scam whistleblower Benhur Luy.
Ito ay matapos baligtarin ng CA sa desisyon nito noong May 5 ang ruling ng Makati City Regional Trial Court laban kay Napoles.
Kaugnay nito, iniutos ng CA ang agarang paglaya ni Napoles.
Pero dahil nahaharap siya sa patung-patong na kaso kaugnay sa pork barrel scam partikular ng plunder ay mananatili siya sa kulungan.
Ayon sa CA, hindi napatunayan na beyond reasonable doubt ang alegasyon na nakipagsabwatan si Napoles para iditine si Luy at pwersahang siyang dinala at kinulong ng akusado.
Ang ruling ay isinulat ni Associate Justice Normandie Pizzaro na kinatigan nina Justice Samuel Gaerlan at Jhosef Lopez
Isinampa ni Luy ang kaso laban kay Napoles matapos itong idetine sa loob ng tatlong buwan, mula Disyembre ng taong 2012 hanggang Marso ng taong 2013.
Ulat ni: Moira Encina