J&J, inihahanda na ang 500 milyong doses ng bakuna para sa mahihirap na mga bansa
GENEVA, Switzerland (AFP) — Inihayag ng US pharmaceutical giant na Johnson & Johnson (J&J), na plano nitong magbigay ng 500 million doses ng kanilang bakuna para sa mahihirap na mga bansa, sa sandaling i-anunsyo na ang resulta ng clinical trials sa pagtatapos ng Enero.
Sa isang virtual conference sa Geneva, sinabi ni Paul Stoffels, scientific director ng J&J, na planong ibenta ang bakuna batay sa halagang nagugol sa paggawa nito at ito’y ipagkakaloob sa Gavi, ang Vaccine Alliance.
Ang bakuna ay kasalukuyang sumasailalim sa final-stage clinical trials, sa 60-libong participants sa higit 200 lokasyon sa US at iba pang mga bansa. Ang resulta ay inaasahan sa huling bahagi ng Enero.
Nangako rin ang AstraZeneca, na isa rin sa nagdidevelop ng coronavirus vaccine, na ibibenta ang kanilang bakuna batay sa halagang nagastos sa paggawa nito, na nasa mga 2.50 euros ($2.80) per dose, habang target naman ng Pfizer ng America na ibenta ang kanilang bakuna sa halagang nasa mga $40.
Una nang ipinahayag ng J&J noong Setyembre, na umaasa itong mabibigyan ng emergency authorisation para maibenta na ang kanilang bakuna sa unang bahagi ng susunod na taon.
Hindi gaya ng ibang mga bakuna na nangangailangan ng napakalamig na temperatura para sa pag-iimbak nito, ang bakuna ng J&J ay maaaring i-imbak sa temperaturang 2.0 degrees Centigrade (35.6 Fahrenheit).
© Agence France-Presse