Land deal ng BuCor at TADECO, illegal batay sa inisyal na imbestigasyon ng DOJ
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng DOJ panel na iligal ang pinasok na kasunduan ng Bureau of Corrections at ng banana plantation na Tagum Agricultural Development Company Inc. o TADECO na pagma-may ari ng pamilya ni Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo Jr.
Pumasok sa joint venture agreement noong 1969 ang BuCor at TADECO para sa pagpapaupa ng mahigit limang libong ektarya na bahagi ng lupa ng Davao Prison and Penal Farm sa Panabo City.
Sa preliminary fact-finding report na isinumite ng DOJ kay House Speaker Pantaleon Alvarez, sinabi na hindi dapat pinasok ng BuCor at TADECO ang Joint Venture Agreement o JVA dahil ang lupain na sangkot ay land of public domain.
Kahit pa anila pinayagan ng batas ang JVA sa nasabing lupain ay hindi maituturing na Joint Venture Agreement ang BuCor-TADECO deal dahil nabigo ito na makatugon sa legal requirements para maging balido.
Isa na rito ang kawalan ng makatotohanang profit sharing sa kasunduan.
Napakaliit aniya ng partisipasyon ng BuCor sa operasyon at pangangasiwa ng plantasyon at wala ring kinatawan ang BuCor sa TADECO management team.
Ayon pa sa panel, hindi nilalaman sa kasunduan ang nire-required na probisyon para matiyak ang kontrol ng pamahalaan sa lupa.
Ang mahigit limang libong ektarya ng lupain din anila ay higit ng limang beses sa pinapayagan ng saligang batas na 1000 hectares na maaring paupahan sa mga pribadong korporasyon.
Bukod dito ang kasalukuyang BuCor-TADECO agreement at mga naunang kasunduan mula 1969 ay hindi idinaaan sa alinmang public auction o bidding na paglabag sa Public Land Act.
Sobra rin anila ng 10 taon sa maximum na 50 taon na pinapayagan ng batas ang BuCor – TADECO land deal na pinalawig hanggang 2029.
Samantala nilinaw ng DOJ sa liderato ng Kamara na aaprubahan pa ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang report.
Una nang ipinagutos ni Aguirre ang pagrebyu sa land deal ng BuCor at TADECO kasunod ng kahilingan ng House Speaker.
Naniniwala si Alvarez na dapat ipawalang bisa ang kasunduan dahil sa wala itong legal na batayan at lugi ang pamahalaan dito.
Ulat ni: Moira Encina