Landslide sa Brgy. Bagong Silangan, QC; Isang sasakyan, natabunan
Isang landslide ang naganap bandang alas-6:00 ng umaga sa Brgy. Bagong Silangan. Natabunan ng kumpol na mga kawayan at gumuhong lupa ang isang sasakyan sa lugar. Ayon sa mga nakasaksi, bigla na lamang gumuho ang lupang kinatatamnan ng kawayan bunsod na rin ng halos walang tigil na pag-ulan dulot ng bagyo at Habagat.
Isang bahay rin ang muntik nang madamay sa nasabing pagguho. Agad naman nailikas ang pamilyang nakatira rito.

Nagdulot ng mabigat na trapiko ang insidente dahil natabunan ang bahagi ng kalsada kaya hindi makadaan ang mga sasakyan lalo na ang four-wheeled vehicles. Isinara naman ang kalsada habang isinasagawa ang clearing operations.
Agad rumesponde ang mga Barangay official at pulisya matapos ang sampung minuto upang tugunan ang sitwasyon. Nagbigay sila ng abiso sa mga motorista, partikular sa mga four-wheeled vehicles na gumamit ng alternatibong daan palabas ng village upang makaiwas sa abala.

Patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang lugar habang nakaantabay ang rescue at response teams sakaling magkaroon uli ng pagguho dulot ng patuloy na pag-ulan.
Cristy Valdez