Legal Education Board pinasasagot ng Korte Suprema sa petisyon na kumukwestyon sa law school admission test
Pinagpapaliwanag ng Korte Suprema ang Legal Education Board sa petisyon na kumukwestyon sa constitutionality ng batas na pinagbatayan nito para sa pagsasagawa ng entrance exam para sa mga nais na mag-aral ng abogasya.
Sampung araw ang ibinigay ng Supreme Court para maghain ng komento sina LEB Chairman Emerson Aquende at LEB member at dating Court Administrator Zenaida Elepaño sa petisyon na inihain ni retired Makati City Regional Trial Court Judge Oscar Pimentel.
Ang retired Judge ay criminal law Professor sa UST faculty of civil law.
Ayon sa Korte Suprema, hiniling ni Pimentel na ipatigil nila ang implementasyon ng lLEB memorandum order no. 7 na nagtatakda ng Philippine Law School Admission Test o PHILSAT sa buong bansa.
Isinagawa ang unang PHILSAT exam noong April 16 sa Baguio City, Metro Manila, Legazpi City, Cebu City, Iloilo City, Bacolod City, Tacloban City, Davao City, Zamboanga City, at Cagayan de Oro City.
Batay sa kinukwestyong LEB memo noong Disyembre ng nakaraang taon, pinagbasehan nito ang Section 7e ng ra 7662 o Legal Education Reform Act of 1993 na nagtatakda ng minimum standards para sa law admission.
Inoobliga ng LEB ang lahat ng law school na isagawa ang PHILSAT na nagkakahalaga ng 1,500 pesos.
Kung hindi ito gagawin ay papatawan ang law schools ng parusa at multa ng hanggang 10, 000 pesos.
Maaari pa ring tanggapin ng mga law schools ang mga estudyanteng hindi maabot ang 55 percent passing score pero dapat magsumite ang paaralan ng written justification.
Ulat ni: Moira Encina