Madalas na pagkasira ng MRT iimbestigahan na ng Senado sa Lunes
Sisimulan na ng Senate Committee on Public Services sa pangunguna ni Senador Grace Poe sa Lunes May 15 ang imbestigasyon hinggil sa umano’y palpak na pangangasiwa ng MRTna itinuturong dahilan sa araw-araw na pagkasira ng mga tren.
Nais din ni Poe na pagpaliwanagin ang nakaraan at kasalukuyang mga opisyal ng DOTr at MRT 3 Corporation kung bakit hindi pa rin nagagamit ang Dalian trains na binili sa panahon ni dating Department of Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya sa halagang 3.8 Billion pesos.
Nauna nang sinabi ng mga opisyal ng MRT na hindi umano sakto sa riles ng MRT ang mga bagong bagon at walang signaling system na sisigurong hindi magbabanggaan ang mga tren.
Kinukwestyon din nito ang pagkuha sa ilalim ng panunungkulan ni Abaya sa Filipino South Korean company na Busan Universal Rail Incorporated na sinasabing palpak sa pagmimintine ng MRT kaya madalas itong masira.
Nauna nang nagbanta ang tanggapan ni Poe na ipa-susubpoena si Abaya at iba pang inimbitahan kapag inisnab nila ang pagdinig ng Senado.
Kabilang sa mga naimbitahan sina DOTr Secretary Art Tugade, Dalian at BURI pati na ang mga commuter group.
Ulat ni: Mean Corvera