Mahigit 100 Pilipinong biktima ng human trafficking at sapilitang pinagtrabaho sa mga scam hub nakauwi na ng bansa

Mula nitong nakaraang buwan, matagumpay na naiuwi ng gobyerno sa bansa ang higit isangdaang Pilipinong biktima ng human trafficking at sapilitang pinagtrabaho sa mga scam hub sa Laos, Myanmar at Cambodia.
Ayon sa Inter Agency Council Against Trafficking o IACAT, 77 rito ay mula sa Laos, 37 mula sa Myanmar at 5 ay mula naman sa Cambodia.
Mayroon sa kanila na pinagtrabaho sa Love Scam, pinangakuan ng malaking sahod at iba pang modus sa panloloko.
Ang Department of Foreign Affairs (DFA) naman ay nababhala na sa pagdami ng mga Pinoy na nabibiktima ng human trafficking.
Ayon kay DFA Spokesperson Angelica Escalona, “Kami ay nababahala sa dami ng human trafficking victims sa Cambodia, Laos, Myanmar at Thailand. Since January 2025, 629 na ang alleged victims. May 148 pending cases ng human trafficking sa mga bansang ito.”
Tiniyak naman ng opisyal ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng mga embahada ng Pilipinas sa mga nasabing bansa upang matulungan ang mga Pinoy doon.
Aminado naman ang Buresu of Immigration (BI), na malaking hamon sa kanila na mapigilang umalis sa bansa ang mga ito, dahil karamihan ay kumpleto naman ng travel documents maging ng Overseas Employment Certificate.
Sinabi ni BI Deputy Spokesperson Melvin Mabulac, “When they leave the country, mostly kumpleto papel nila, magtatrabaho bilang OFW, may trabaho doon, good ang kanilang travel record.”
Mula Enero hanggang Agosto, ay nasa higit 600 pasahero na ang naharang ng mga awtoridad dahil hinihinalang mga biktima sila ng human trafficking.
Kabilang naman sa top 10 na lugar na pinanggagalingan ng mga naharang na pasahero ay mula sa Metro Manila, Cavite, Bulacan, Laguna, Pampanga, Rizal, Batangas, Negros Occidental, Cotabato at Cebu.
Bukod sa mga paliparan, pinalakas na rin ng mga awtoridad ang pagbabantay sa mga lugar na ginagamit na backdoor para makalabas ng bansa gaya ng Palawan, Rawi-tawi, Sulu at Zamboanga.
Payo ng mga awtoridad para hindi mabiktima, ay maging alerto.
Sabi ni DMW Asec. Jerome Alcantara, “Una, huwag papayag magtrabaho sa ibang bansa kung hindi lisensiyadong agency o recruiter ang kausap. Ibig sabihin ay i-verify ang mga kumpanya. Kung hindi kasama sa job order ng DMW, huwag makipag-transact o magbayad ng kahit ano sa labas ng opisina.”
Madelyn Moratillo