Mahigit 290 katao patay sa pagbagsak ng eroplano sa India

People gather as rescue team members work at the site where an Air India Boeing 787 Dreamliner plane crashed in Ahmedabad, India, June 12, 2025. REUTERS/ Amit Dave
Patay ang mahigit dalawangdaan at siyamnapung katao nang bumagsak ang isang eroplano ng Air India na patungong London.
Ang Air India Flight 171 na isang Boeing 787-8 Dreamliner na may lulang 242 katao, at patungong Gatwick Airport sa England, ay bumagsak ilang sandali matapos mag-take off mula sa western city ng Ahmedabad.
Sakay ng eroplano ang 169 na Indian nationals, 53 British nationals, 7 Portuguese at isang Canadian passengers, dalawang piloto at sampung Cabin crew.
Ayon sa mga awtoridad, bumagsak ang eroplano sa labas ng airport perimeter sa isang mataong residential area, na ayon sa local media ay kinaroroonan din ng isang Medical College Hostel,m kung nakatira ang mga estudyante at kabataang mga doktor.
Sinabi ni Vidhi Chaudgary, isang mataas na opisyal ng pulisya, na nasa 294 ang namatay kabilang ang ilang estudyante mula sa Medical College Hostel, habang ang iba ay tinamaan ng debris.
Ayon sa pulisya, may isang nakaligtas na nakilalang si Ramesh Viswashkumar, 40-anyos at isang British national na may Indian origin, na nakaupo sa seat 11A, malapit sa isang emergency exit.

A tail of an Air India Boeing 787 Dreamliner plane that crashed is seen stuck on a building after the incident in Ahmedabad, India, June 12, 2025. REUTERS/Amit Dave
Kuwento ni Ramesh, “Thirty seconds after take-off, there was a loud noise and then the plane crashed. It all happened so quickly. When I got up, there were bodies all around me. I was scared. I stood up and ran. There were pieces of the plane all around me. Someone grabbed hold of me and put me in an ambulance and brought me to the hospital.”
Aniya, ang kaniyang kapatid na si Ajay, ay nasa ibang upuan sa eroplano.
Ayon kay Ahmedabad police chief G.S. Malik, ang mga bangkay na narekober ay maaaring kapwa ang mga pasahero at mga namatay sa ground. Kabilang sa mga ito ay si Vijay Rupani, dating chief minister ng Gujarat state, na ang main city ay ang Ahmedabad.
Kinunan naman ng DNA samples ang mga kaanak upang matukoy ang pagkakakilanlan sa mga biktima, ayon kay state health secretary Dhananjay Dwivedi.
Nagkalat ang mga parte ng katawan ng eroplano sa nasunog na gusaling pinagbagsakan nito, habang ang buntot ay nasa itaas ng gusali.
Nabatid na kabilang sa mga pasahero ay 217 adults, 11 mga bata at dalawang sanggol.
Ayon sa air traffic control sa Ahmedabad Airport, umalis ang aircraft ng 1:39 p.m. (0809 GMT). Nagbigay ng Mayday call, at nag-signal ng emergency, ngunit pagkatapos ay walang nang response pa mula rito.
Sinabi naman ni U.S. aerospace safety consultant Anthony Brickhouse, “One problematic sign from videos of the aircraft was that the landing gear was down at a phase of flight when it would typically be up. If you didn’t know what was happening, you would think that plane was on approach to a runway.’

People gather near the site where an Air India plane crashed in Ahmedabad, India, June 12, 2025. REUTERS/Amit Dave
Ayon sa Boeing, nakikipag-ugnayan na sila sa Air India at mahigpit na nakikipagtulungan upang makakuha pa ng dagdag na impormasyon.
Sinabi ng Aircraft engine-maker na GE Aerospace, na magpapadala sila ng isang team para magtungo sa Indiapara magsagawa ng pag-analisa sa cockpit data.
Ayon naman sa US National Transportation Safety Board, pangungunahan nila ang isang team ng U.S. investigators na bibiyahe patungong India upang tumulong sa imbestigasyon.
Nakikipagtulungan na rin ang Britain sa Indian authorities upang agad na makapag-establish ng mag totong nangyari kaugnay ng trahedya at magbigay ng suporta sa mga sangkot.
Sa kaniya namang social media post ay sinabi ni Indian Prime Minister Narendra Modi, “The tragedy in Ahmedabad has stunned and saddened us. It is heartbreaking beyond words.”
Samantala, operational nang muli ang Ahmedabad Airport, na pansamantalang nagsuspinde ng flight matapos ang aksidente, ngunit limitado lamang ang biyahe. Ang paliparan ay pinatatakbo ng Adani Group conglomerate ng India.