Majority bloc sa Senado naghain ng resolusyon para suportahan ang Proclamation 216 o Martial Law
Naghain na rin ng resolusyon ang majority bloc sa Senado para suportahan ang Proclamation 216 o deklarasyon ng Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Labinlimang Senador ang pumirma sa Resolution 388 na kinabibilangan nina Senate President Aquilino Pimentel, Pro Tempore Ralph Recto at Majority Leader Vicente Sotto.
Lumagda na rin sina Senador Sonny Angara, Nancy Binay, JV Ejercito, Richard Gordon, Gregorio Honasan, Panfilo Lacson, Loren Legarda, Sherwin Gatchalian, Manny Pacquiao, Cynthia Villar at Juan miguel Zubiri.
Nakasaad sa resolusyon ang report ni Pangulong Duterte hinggil sa ginawang pag atake ng Maute group sa Mindanao.
Wala rin silang nakikitang dahilan para i revoke ang idineklarang Martial Law ng Pangulo.
Sa mga kaalyado ng Majority, tanging sina Senadora Grace Poe at Francis Escudero ang hindi lumagda sa resolusyon.
Nabatid na pirmado na ang resolusyon bago pa man ilabas ng minority bloc ang resolution na nanawagan para sa joint session at mabusisi ang batayan sa pagdedeklara ng Martial Law ng Pangulo.
Ulat ni: Mean Corvera

