Malakanyang aminadong mananaig ang posisyon ng Ombudsman na kontra sa planong gawing state witness si Janet Napoles sa pork barrel scam
Walang magagawa ang Malakanyang kundi igalang ang posisyon ng Ombudsman na kontrahin ang planong gawing stste witness si Janet Lim Napoles sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo ang desisyon parin ng Ombudsman ang masusunod.
Ayon kay Panelo tanging ang Ombudsman lamang ang pinahihintulutan ng batas na umusig sa mga nasasangkot sa kasong plunder.
Inihayag ni Panelo na ang magagawa lamang ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ay umapela sa Ombudsman na irekonsidera ang desisyong kontra sa pagiging state witness ni Napoles.
Niliwanag ni Panelo na ang planong gawing state witness si Napoles sa muling pag-iimbestiga sa pork barrel scam ay hindi pa natatalakay kay Pangulong Duterte.
Ulat ni: Vic Somintac