Malakanyang nagpaliwanag sa hindi pagtalakay ng ASEAN leaders sa ginagawang militarisasyon at reclamation activities ng China sa South China Sea

0
asean leaders

Wala sa sampung ASEAN leaders ang nag ungkat sa katatapos na ASEAN leaders  summit sa ginagawang militarisasyon at reclamation ng China sa South China Sea.

Ito ay kahit na may inilabas nang desisyon ang permanent court of arbitration na nagsasabi na saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang ilang bahagi ng South China Sea.

Sinabi ni Departmen of Foreign Affairs Executive Director Zaldy Patron ng Office of the Association of Southeast Asian Nations Affair sa briefing sa Malakanyang, ito ang dahilan kung kaya hindi naisama sa ipinalabas na Chairman Statement ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapin sa pangangamkam ng China.

Paliwanag ni Patron, nais ng ASEAN leaders na magkaroon muna ng mas malalim na pagninilay at diskusyon sa isyu.

Iginiit ni Patron na noong nakaraang taon, walang naging consensus ang ASEAN leaders kung kaya walang mapagbabasehan ang mga ito ngayong taon sa usapin ng gusot sa mga pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea.

Maging ang Malaysia at Vietnam  na mayroon ding claim sa South China Sea ay hindi naglakas loob na buksan ang issue.

Sa halip ayon kay Patron, sumentro ang usapin ng ASEAN leaders sa pagbuo ng framework ng  code of conduct sa South China Sea.

Ayon kay Patron, sa Agosto o kalagitnaan ng taon inaasahang magkakaroon ng positive development sa framework ng code of conduct.

Ulat ni : Vic Somintac

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *