Mga bagong halal na kongresista sasalang sa orientation seminar bago magbukas ang 20th Congress sa July 28, 2025

Nasa 97 first termer na mga kongresista na magiging miyembro ng 20th Congress, ang sasalang sa orientation seminar.
Sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco, na ang 20th Congress ay bubuuin ng 317 mga miyembro at 97 rito ay mga first termer, 69 ay mula sa district representatives, habang 28 ang mula sa partylist groups.

House Secretary General Reginald Velasco
Ayon kay Velasco, ang mga first termer congressmen ay daraan sa executive course on legislation para magkaroon ng sapat na kaalaman sa proseso ng paggawa ng batas.
Ang unang batch ng orientation seminar ay gagawin sa June 23 hanggang June 25, at ang ikalawang batch ay sa July 7 hanggang July 9.
Inihayag ni Velasco na inimbitahan ang mga incumbent congressmen na miyembro ng 19th Congress at nahalal sa 20th Congress, para magbahagi ng kanilang karanasan sa lehislasyon bilang mga mentor sa mga first termer na kongresista.
Vic Somintac