Mga imbestigasyon ng DOJ sa drug war killings, tuluy-tuloy kahit nasa kustodiya na ng ICC si dating Pangulong Duterte

Nagpapatuloy ang binuong task force ng Department of Justice (DOJ) sa EJK killings sa pagkalap ng mga ebidensya at reklamo, kahit hawak na ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, hindi ito nag-o-overlap sa kaso sa ICC laban sa dating pangulo dahil ang mga iniimbestigahan ng DOJ at mga korte sa bansa ay mga partikular na kaso ng drug war killings o mga pag-abuso ng mga pulis.
Paliwanag pa ni Clavano, kahit gumagana ang sistema ng hustisya sa Pilipinas ay hindi ibig sabihin na hindi maaaring pumasok ang ICC, dahil crimes against humanity at ang sistematikong pag-atake sa mga sibilyan noong war on drugs ang iniimbestigahan ng international tribunal.

DOJ Spokesperson Mico Clavano
Hinimok naman ni Clavano ang ibang mga testigo sa mga kaso ng EJK killings na lumapit sa DOJ para makapaghain sila ng reklamo.
Ayon kay Clavano, “We are still in the process of collating all the complaints from the victims of the drug war. Marami pa rin tayong nakukuhang complaints, mga affidavit, mga ebidensiya na tungkol sa drug, kino-collate lang po natin yun.”
Dagdag pa niya, “It has to refer to the same crime, anong crime pinag-uusapan dito, yung crimes against humanity, yung crimes na iniimbestigahan kasi natin dito sa prosecutorts office at mga korte, ay specific instances of murder, police abuses. Pero hindi natin maipapaliwanag ang systematic attack against civilians, so magkaiba po subject matter sa mga kaso natin dito at kaso doon sa ICC.”
Moira Cruz