Mga kongresista inabisuhan na huwag munang umalis ng Metro Manila matapos magdeklara ng Martial Law si Pang. Duterte
Inabisuhan na ng liderato ng Kamara ang mga kongresista na manatili lamang sa Metro Manila sa linggong ito para sa kanilang magiging hakbang kaugnay ng deklarasyon ni Pangulong Duterte ng Martial Law sa Mindanao.
Sa mensahe ni House Majority Leader Rodolfo Farinas sa bawat kongresista, sinabi nito na ang kanila namang session day ay hanggang Biyernes salig sa kanilang rules o panuntunan.
Kaya maaaring magpatawag sila agad ng sesyon sa oras na magsumite ng report ang Pangulo sa kongreso kaugnay ng pinaiiral na batas militar sa Mindanao.
Dito lamang nila maaaring isakatuparan ang kanilang mandato sa ilalim ng saligang batas.
Paliwanag ni Farinas, hindi na nila kailangang mag joint session ng Senado bagaman dapat ay joint voting ang magiging sistema.
Habang hinihintay ang report ng Pangulo, nakiusap si Farinas sa mga kongresista na iwasan muna ang pagbibigay ng pahayag na maaaring gumatong sa sitwasyon sa Marawi City.
Hihingi din sina Speaker Pantaleon Alvarez at si Farinas ng briefing mula sa mga opisyal ng militar at pambansang pulisya kaugnay ng nagaganap na operasyon sa lungsod ng Marawi laban sa Maute Group.
Nanawagan din ang Majority Leader sa publiko na manatiling kalmado, ligtas at makipagtulungan sa mga otoridad.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo
