Mga mining contract bubusisiin pa rin ng Malakanyang kahit wala na sa DENR si Gina Lopez
Magpapatuloy ang ginagawang pagrepaso ng Mining Industry Coordinating Council o MICC sa mga kontrata ng mining companies kahit opisyal nang wala sa Department of Environment and Natural Resources o DENR ang dating kalihim nitong si Gina Lopez.
Ito ang sinabi ni Finance Legal Affairs Head Undersecretary Bayani Agabin na siya ring nangangasiwa sa domestic finance group ng departamento.
Pahayag ni Agabin, mandato talaga at kasama sa responsibilidad ng MICC na magsagawa ng review o pagrerepaso sa naging pasiya ng DENR sa panahon ni Lopez na ipasara, ikansela at patawan ng suspensiyon ang 75 kumpanya ng minahan bunsod ng paglabag sa Mining Act.
Niliwanag ni Agabin kahit na sino ang maging kalihim ng departamentong pinagsilbihan ni Lopez ng walong buwan ay tuloy tuloy ang function ng MICC.
Ulat ni: Vic Somintac