Monster ship ng China bahagyang lumayo sa Zambales pero panibagong barko ng China pumalit

Courtesy: Phil. Coast Guard
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG), na bahagyang lumayo mula sa baybayin ng Zambales ang monster ship ng China na CCG 5901.

Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa isyu ng West Philippines Sea (WPS), sa kanilang monitoring kagabi ay nasa 95 nautical miles ng Zambales ang monster ship, na nasa loob pa rin ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Gayunman, kahit lumayo ang CCG 5901, ay may pumalit naman rito na isa pang malaking barko rin ng China, ang CCG 3304 na nasa 65 nautical miles ang distansiya mula sa Zambales.
Ang CCG 3304 ay may habang 111 metro at 46 na metro naman ang lapad.

Sa kabila nito ay tiniyak ng PCG ang patuloy na pagbabantay ng kanilang ng kanilang BRP Gabriela Silang.
Patuloy rin ang kanilang radio challenge sa mga barko ng China at iginigiit na wala itong legal na awtoridad para magpatrulya sa loob ng EEZ ng Pilipinas.

Madelyn Villar-Moratillo