Nagpanggap na kapatid ni dating Sen. Miriam Defensor Santiago, inaresto ng NBI
Inaresto ng NBI ang isang ginang na nagpapanggap na kapatid ng pumanaw na si dating Senadora Miriam Defensor-Santiago at consultant ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
Tinukoy ng NBI ang suspek na si Myrna Rosales Velez na inaresto ng mga tauhan ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division habang nasa NBI clearance building.
Batay sa reklamong tinanggap ng NBI, si Velez ay nagpapakilalang si Atty. Paula Dimpna Beatriz Palma Defensor.
Ayon sa babaeng complainant, nakilala niya si Velez sa DOJ noong Hulyo 2016 nang i-follow up niya ang kaso laban sa kanya.
Inalok siya ni Velez ng kanyang legal service at ipinakilala ang sarili na kapatid ni Santiago at consultant ni Aguirre.
Humarap pa si Velez bilang kanyang abogado sa kanyang nakabinbing mga kaso sa San Mateo Rizal Regional Trial Court Branch 76 at Quezon City RTC Branch 87.
Kabuuang 580 thousand pesos ang ibinayad niya kay Velez bilang Attorneys fee.
Pero kalaunan ay nabatid niya na hindi consultant sa DOJ si Velez at naninirahan sa abroad ang tunay na si Atty. Defensor.
Dahil dito ipinagharap ng NBI ang suspek ng mga reklamong estafa at usurpation authority.
Batay sa records ng NBI si Velez ay nahaharap sa mga kasong swindling at illegal recruitment.
Ulat ni: Moira Encina
