Nagpapatuloy na sagupaan ng Military at Maute group sa Marawi City, 100 na ang patay
Umakyat na sa 100 katao ang kumpirmadong nasawi sa halos mag-isang linggo ng engkuwentro ng Militar laban sa mga teroristang Maute sa Marawi City.
Ito ang iniulat ngayon ni AFP Public Affairs Chief Col. Edgard Arevalo.
Una nang nagsagawa ng retrieval operations ang militar at pulisya sa mga nagkalat na mga bangkay sa sentrong bahagi ng Marawi City.
Ayon kay 1st Infantry Division Philippine Army Spokesman Lt. Col. Jo-ar Herrera, bukod sa mga terorista narekober din ang mga bangkay ng sibilyan sa lugar.
Inihayag ni Herrera na nasa 61 miyembro ng Maute ang nasawi habang 20 naman sa mga sundalo at 19 mula sa mga nadamay na sibilyan.
Sinabi pa ni Herrera na ipagpapatuloy nila ang surgical air strike operations sa mga lugar na patuloy na pinagtataguan ng mga terorista.
