National Kidney Month, ipinagdiriwang kaso ng mga nagda-dialysis, tumataas pa rin ayon sa DOH
Itinalaga ng Department of Health at National Kidney and Transplant Institute ang Hunyo bilang National Kidney Month.
Batay ito sa Presidental Decree No. 184.
Ang NKTI ang ospital na mangunguna sa naturang selebrasyon.
Sa taong ito ang tema ng pagunita ay “wastong pangangatawan sakit sa bato ay kayang maiwasan”. ito ay nakatuon sa pagkilala ng mga risk factors ng chronic kidney disease at paano ito maiiwasan.
Ibat’ibang aktibidad ang nakahanay at inihanda ng NKTI kaugnay ng pagdiriwang para lalong maitaas ang awareness o kamulatan ng publiko tungkol sa sakit sa bato.
Kabilang ang libreng kidney check up, libreng digital rectal examination o pa-DRE at isang libreng kidney transplant, human organ preservation effort o hope donation at maraming iba pa.
Ayon sa renal disease and control program o redcop ng NKTI, patuloy ang pagsasagawa nila ng programa para mapababa ang maraming bilang ng mga dinadapuan ng sakit sa bato at para hindi na humantong ang pasyente sa pagda dialysis.
Samantala, sinabi naman ni Dr. Roel Tolentino na kapag hindi naagapan ang sakit sa bato ay hahantong ito sa dialysis, at ito ay malaking burden hindi lamang sa pasyente kundi maging sa kanyang mga mahal sa buhay.
Payo pa ni Dr. Tolentino, limitahan ang pagkain ng maalat o mga pagkaing sagana sa asin, dagdagan ang pag inom ng tubig, walo – 12 baso ng tubig kada araw, i-maintain ang normal na timbang, maglaan ng oras upang mag ehersisyo at least 30 minutes bawat araw upang mapanatili ang tamang kundisyon ng kidney o bato.
Ulat ni: Anabelle Surara
