Oras ng trabaho ng mga kawani ng Bureau of Immigration, binawasan sa harap ng isyu ng di nababayarang overtime pay
Binawasan na ng Bureau of Immigration ang oras ng trabaho ng mga kawani nito kasunod ng isyu sa hindi nababayarang overtime pay.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, inumpisahan na nila ang pag-obserba sa siyam na oras na work schedule ng mga empleyado nito sa BI offices.
Simula noong Martes ang operasyon at trabaho sa BI offices ay mula alas otso ng umaga hanggang ala-singko ng hapon na sa halip na ala- siyete ng umaga hanggang ala singko y medya ng hapon.
Susundin pa rin ng mga BI employee sa mga paliparan ng nine-hour work schedule pero sa magkakaibang shifts na 4am to 1pm; 12pm to 9pm; at 8am to 5pm.
Magpapatuloy naman ang “no noon break” policy sa mga kawani ng BI na nasa frontline services.
Sinabi ni Morente na ipinatupad ang bagong work schedule bilang pagtugon sa kautusan ni Pangulong Duterte na itigil ang paggamit ng express lane fee ng BI para bayaran ang OT pay ng mga empleyado nito.
Ulat ni: Moira Encina