P6.793 trilyong 2026 proposed national budget isinumite na ng Malakanyang sa Kamara

Matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang 2026 National Expenditure Program (NEP), o proposed national budget na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon, isinumite na ito ng Department of Budget and Management (DBM) sa House of Representatives para himayin ng House Committee on Appropriations.
Ang 2026 NEP ay mataas ng 7.4% kumpara sa 2025 National Budget na na nagkakahalaga ng P6.326 trilyong piso kung saan nangunguna sa pinaglaanan ng pondo ay ang Department of Education (DepEd), na P928.5 bilyon.
Pangalawa ang Department of Public Works and Highways (DPWH), P881.3 bilyon; sinundan ng Department of Health (DOH), P320.5 bilyon; Department of National Defense (DND), P299.3 bilyon; Department of Interior and Local Government (DILG), P287.5 bilyon; Department of Agriculture (DA), P239.2 bilyon; Department of Social Welfare and Development (DSWD), P227 bilyon; Department of Transportation (DOTr), P198.6 bilyon; Judiciary, P67.9 bilyon; at Department of Labor and Employment (DOLE), P55.2 bilyon.
Sinabi ni DBM Secretary Amina Pangandaman, na ang 2026 NEP ay mayroong temang “Agenda for Prosperity: Nurturing Future Ready Generations to Achieve Full Potential of the Nation,” na naka-angkla sa pundasyon na inilatag ng Marcos, Jr., administration sa nakalipas na tatlong taong panunungkulan sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023 to 2028.
Ayon kay Pangandaman, prayoridad ng 2026 proposed national budget ang pagpapalakas sa quality education, pagpapa-angat sa kabuhayan ng bawat Pilipino, pagpapalakas sa health care system ng bansa at food security.
Ang NEP ay magsisilbing basehan ng General Appropriations Bill o GAB, na pagtitibayin ng Kongreso at magiging General Appropriations Act o GAA, sa sandaling mapirmahan ng pangulo bilang ganap na batas.
Inihayag naman ni House Representative Martin Romualdez, na prayoridad ng Kamara ang pagpapatibay sa panukalang pambansang budget na naka-aligned sa priority program ng administrasyon na may zero tolerance sa fund misuse, kaya ang pagtalakay sa 2026 National Budget ay bukas sa publiko kung saan gagawing watchdog ang Civil Society Group, aalisin na ang small committee sa budget deliberations at bubuksan din sa taongbayan ang Bicameral Conference Committee hearing ng pambansang pondo.
Tiniyak ng liderato ng Kamara na pagtitibayin ang house version ng proposed national budget bago ang break ng sesyon sa October 4, 2025 upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga senador para pagtibayin ang kanilang bersiyon na pagtutugmain sa Bicameral Conference Committee o BICAM.
Magugunitang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa kaniyang nakaraang State of the Nation Address o SONA, na hindi niya pipirmahan ang GAA na hindi naaayon sa priority programs ng administrasyon, sukdulang gumamit ang gobyerno ng re-enacted budget.
Magkakaroon ng re-enacted budget ang gobyerno kapag hindi napagtibay ng Kongreso ang bagong national budget sa pagtatapos ng kasalukuyang fiscal year, na nangyari na noong kapanahunan ng panunungkulan ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2001, 2004, 2009 at maging sa panahon ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, kung saan nag-operate ang gobyerno sa re-enacted budget sa loob ng apat na buwan, dahil hindi napirmahan ang national budget na nagkakahalaga ng P3.7 trilyon noong April 15, 2019.
Vic Somintac