Pag-apruba sa Tax Reform Bill, target ng Kamara na matapos sa Miyerkules
Sisikapin na ng Liderato ng Kamara na maisalang sa botohan para sa ikalawang pagbasa ang House Bill 5636 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Bill sa sesyon.
Sinabi ni House Ways and Means Committee Chairman Dakila Cua na siya mismo ang magmumungkahi na pagbotohan na ito para hindi na mabitin pa ang pagpapatibay ng tax reform measure bago mag adjourn ang first regular session ng 17th Congress sa linggong ito.
Target ng liderato ng kamara na tapusin ang approval ng tax measure sa Miyerkules, ang huling araw ng kanilang sesyon bago ang adjournment sine die.
Ayon kay Cua, wala pang nababago sa mga probisyon ng Tax Reform Bill.
Ibig sabihin, hindi pa naipapasok dito ang mga individual amendments na isinumite ng mga kongresista.
Iginiit naman ng ilang kongresista na kailangan nang mag-isyu ng sertipikasyon ni Pangulong Duterte para siguradong maisasalang din sa ikatlong pagbasa ang panukala hanggang sa Miyerkules.
Sa ilalim ng House Bill 5636, exempted na sa income tax ang kita ng mga manggagawa na hanggang 250,000 kada taon pero bahagi din nito ang pinangangambahang dagdag buwis sa produktong petrolyo na maaaring magpataas ng presyo ng bilihin at singil sa mga serbisyo.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo