Pag-inspeksiyon sa lahat ng Boeing 787 kasunod nang pagbagsak ng Air India na ikinamatay ng higit 200 katao, ipinag-utos ng aviation regulator ng India

The wreckage of Boeing 787 Dreamliner operated by Air India, which crashed Thursday in Ahmedabad, India / REUTERS
Ipinag-utos ng aviation regulator ng India ang pag-inspeksiyon sa lahat ng Boeing 787 na ino-operate ng local carriers makaraang bumagsak ang isang Air India kamakailan na ikinamatay ng 270 katao.
Inatasan din ng aviation regulator ang Air India na magsagawa ng karagdagang maintenance checks sa kanilang Boeing 787-8/9 aircraft na mayroong GEnx engines, pati na rin ang assessments ng take-off parameters, electronic engine control tests at engine fuel-related checks.
Ayon kay aviation minister Ron Mohan Naidu, “We have also given the order to do the extended surveillance of the 787 planes. There are 34 in our Indian fleet. Eight have already been inspected and with immediate urgency, all of them are going to be done.”
Hindi naman niya binanggit kung kasama ang mga opisyal ng gobyerno sa gagawing inspeksiyon.
Ang Boeing 787-8 Dreamliner na may lulang 242 katao at patungo sa Gatwick Airport sa Britain, ay nagsimulang bumagsak ilang segundo matapos mag-take off noong Huwebes, at sumabog nang tumama sa mga gusali sa ibaba, sa itinuturing na pinakamatinding aviation disaster sa mundo sa nakalipas na isang dekada.
Ang Air India ang nag-ooperate sa 33 Boeing 787s, habang ang karibal nitong airline na IndiGo ay isa ang ino-operate, batay sa data mula sa Flightradar24.
Hindi tumugon ang IndiGo nang hingan ng komento.

A tail of an Air India Boeing 787 Dreamliner plane that crashed is seen stuck on a building after the incident in Ahmedabad, India. Amit Dave/Reuters
Sa isang pahayag ay sinabi ng Air India na kasalukuyan na nitong tinatapos ang one-time safety checks na ipinag-utos ng Indian regulator, “some of these checks could lead to higher turnaround time and potential delays on certain long-haul routes.”
Gayunman, hindi pa rin grounded ang mga eroplano, ngunit sinabi ng isang source sa Reuters na ikinukonsidera na ng Indian government ang nasabing opsyon.
Sinabi rin ni Naidu na titingnan ng gobyerno ang lahat ng posibleng teorya sa kung ano ang naging dahilan kaya bumagsak ang eroplano.
Tinitingnan na ng Air India at Indian Government ang ilang aspeto ng pagbagsak kabilang ang isyung may kaugnayan sa engine thrust, flaps, at kung bakit nanatiling bukas ang landing gear habang nagti-take off ang eroplano.
Ayon kay Dhaval Gameti, presidente ng Junior Doctors Association sa BJ Medical College, hindi bababa sa 270 katawan ang narekober mula sa pinagbagsakan ng eroplano.
Isa lamang sa 242 mga pasahero at crew na sakay ng eroplano ang nakaligtas, habang ang iba ay namatay nang tumama ito sa hostel ng medical college nang bumagsak.
Sinabi ni Naidu na iniimbestigahan na ng isang government panel ang aksidente at maglalabas ng report sa loob ng tatlong buwan, “We are going to improve every necessary thing that is going to come our way, to improve the safety.”
Una na ring sinabi ng Air India na magkakaloob ito ng interim payment ng 2.5 million rupees ($US29,000) sa bawat pamilya ng mga biktima at ng nag-iisang nakaligtas, upang tugunan ang agarang financial needs nito.
Ayon kay Air India CEO Campbell Wilson, “The process of reuniting next of kin with their loved ones and personal effects has begun.”
Dose-dosenang miyembro ng pamilya naman ang matiyagang naghihintay sa labas ng isang ospital sa Ahmedabad upang kunin ang bangkay, habang nag-overtime na ang mga doktor sa pagkuha ng dental samples mula sa mga namatay upang magsagawa ng identification checks at DNA profiling.

Rescue team members work as smoke rises at the site where an Air India plane crashed in Ahmedabad, India. / Amit Dave/Reuters
Sinabi ni Rajnich Patel, isang senior official sa Ahmedabad Civil Hospital, na ang pagma-match ng samples ay isang metikulosong proseso na kailangang gawin ng dahan-dahan.
Karamihan sa mga bangkay mula sa crash site ay sunog na sunog, kaya dental samples ang ginagamit ng mga awtoridad sa pagsasagawa ng identification checks.
Sinabi ni Jaishankar Pillai, isang forensic dentist, na hawak na nila ang dental records ng 135 charred victims, na maaaring i-match at gamiting reperensiya sa dental charts, radiographs at iba pang records ng biktima.
Mahirap din maging sa mga doktor ang kanilang ginagawa laluna’t ang eroplano ay tumama sa isang hostel building ng BJ Medical College, kung saan marami sa mga namatay ay sumasailalim sa identification checks.
Sabi ng isang doktor na ayaw magpakilala, “Most of us are struggling with our emotions and are mentally disturbed because of the loss of friends and colleagues. The loss of so many colleagues and friends in this incident is difficult.”