Pag-invest ng GSIS sa online gambling, pinaiimbestigahan ni Sen. Hontiveros

0

Pinaiimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros sa Senado, ang umano’y kuwestiyonableng pag-iinvest ng Government Service Insurance System (GSIS) sa online gambling, at mga kompanyang baon sa utang.

Sa kaniyang privilege speech ay ibinunyag ng senador na batay sa report ng Department of Finance (DOF), nag-invest ang GSIS ng mahigit isang bilyong piso sa online gambling platform na Digiplus.

Ayon sa mambabatas, mahigpit na ipinagbabawal sa gobyerno na tumuntong at magsugal sa casino, pero bakit in-invest ng GSIS sa sugal ang pondo nito na pag-aari ng mga miyembro na pawang mga empleyado ng gobyerno.

Dahil dito, nalugi ang GSIS dahil bumagsak na sa P13.68 ang halaga kada share ng Digiplus, samantalang binili ito sa halagang P65.30 kada share.

Bukod diyan, may nauna nang kautusan ang ombudsman na nagsususpinde kay GSIS President and General Manager Jose Arnulfo Veloso at anim na GSIS Executives, dahil nag-invest ng 1.45 billion pesos sa Alternergy Holdings Corporation, na umano’y may malaking pagkakautang.

Ang investement ay ginawa kahit wala ang required na endorsement ng Assets and Liabilities Committee at ng Risk Oversight Comittee ng GSIS.

Ang nakatatakot ayon sa mambabatas, batay sa year 2023 annual report ng Commission on Audit, nag-invest ang GSIS sa tatlong kumpanya na walang maayos na track record, dahilan ng pagkalugi ng ahensiya ng mahigit 251 MILLION PESOS.

Sabi ni Hontiveros, dapat itong siyasatin ng senado upang mapag-alaman kung kailangang amyendahan ang charter ng GSIS, at ano ang mangyayari sa pondo ng government employees.

Ayon sa senador, “Ano ba itong pinaggagagawa ng GSIS sa pera nating mga kawani ng pamahalaan, habang seryosong itinutulak ng senado ang mga panukalang batas tungkol sa e-gambling, may isa pang klaseng pagwawaldas ng pera na dapat bantayan. Yung pondo na inaasahang magbubunga s atakdang panahon, mistulang isinusugal at ipinapatalo ng mga opisyal ng GSIS.”

Meanne Corvera

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *