Pagbibigay ng night differential sa government employees, isinulong sa Senado
Isinusulong ngayon sa Senado ang panukalang mabigyan ng night differential ang mga empleyado ng gobyerno kasama na ang mga manggagawa ng Government Owned and Controlled Corporations.
Sa ilalim ng Senate Bill 642 ni Senador Antonio Trillanes, bibigyan ng night differential ng hanggang 20 percent ng kanilang arawang sahod ng mga mangagawang nagta-trabaho mula alas diez ng gabi hanggang alas sais ng umaga.
Ilan sa tinukoy ni Trillanes ang mga mangagawa ng Bureau of Immigration, PNP, AFP at BJMP.
Sakop nito ang mga regular employee sa gobyerno at mga GOCC kasama na ang mga contractual, temporary o casual.
Bahagi lang aniya ito ng pagkilala sa sakripisyo ng mga empleyado lalo na ang mga nasa gobyerno na may poor working conditions.
“Call centers may night differential lahat nagtratrabaho beyond office hours maykarampatang kompensasyon na graveyard, yung iba nakakasira ng pangangatawan at kalusugan at least me pang offset”. – Sen. Trillanes
Ulat ni: Mean Corvera