Paghahanda ng administrasyon para sa pambato sa 2028 presidential elections, hindi pa napapanahon

0

File photo

Hindi pa umano napapanahon ang mga hirit na maghand ana rin ng pambato sa 2028 presidential elections ang administrasyon.

Ilan sa umuugong ngayon na posibleng itapat umano kay Vice President Sara Duterte, ay si dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo.

Sinabi ni PCO Undersecretary Claire Castro, “Former VP Leni versus VP Sara? So, ang lumalabas ay aksyon versus bakasyon? Nagtatrabaho versus hindi nagtatrabaho? Pro-Philippines versus not pro-any country? Suhestyon na igagalang, patawad pero hindi napapanahon.”

Sabi ni Castro, ang tutok ng pangulo ngayon ay ang magtrabaho para mapataas ang ekonomiya ng bansa.

Para sa Malakanyang, irrelevant din umano ang maagang anunsyo ni VP Sara na tatakbo sa pagkapresidente.

Ayon kay Castro, “Pero sa pananaw po ng Pangulo, katulad ng ating sinabi kanina, kung anuman ang dahilan ng Bise Presidente sa kaniyang pag-aanunsiyo, it doesn’t matter at all sa ngayon dahil hindi po iyan ang focus ng Pangulo. Ang focus ng Pangulo ay magtrabaho hindi para mangampanya at i-promote lamang ang sarili para sa susunod na eleksiyon.”

Umaasa aniya ang Pangulo na hindi magdulot ng pagkabaha-bahagi sa mga Pilipino ang naging anunsyo ni VP Sara.

Dagdag pa ni Casto, “Ang mga kababayan po natin, lalung-lalo na po iyong mga leaders at mga public servants, hindi po dapat nagkakampihan sa ngayon. Ang kailangan po ng Pangulo ay ang pagkakaisa upang maiangat ang ekonomiya, masolusyunan ang issue sa baha, maiangat ang employment rate ng ating mga Pilipino at ng ating mga kababayan. Iyan po ang dapat na inuuna na solusyunan ng ating gobyerno. At ang pagkakampihan, hindi po ito napapanahon. So, that’s why it’s irrelevant.”

Bukas ay nakatakdang pumunta sa Naga si PBBM, pero hindi umano para makipag-usap kay Robredo kundi para sa Oplan kontra baha project, na ilulunsad sa lungsod.  

Madelyn Villar-Moratillo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *