Paglilitis sa kasong serious illegal detention laban sa kapatid at kapwa akusado ni Napoles na si Reynald Lim, posibleng maging moot & academic ayon sa CA
Walang sapat na ebidensya na naiprisinta ang prosekusyon para idiin si Janet Lim Napoles sa kasong serious illegal detention.
Sa desisyon ng CA 12th Division na nag-abswelto kay Napoles, sinabi na batay sa journal ni Benhur Luy at sa liham niya sa kanyang pamilya siya mismo ang may gustong mapasailalim sa spiritual retreat sa ‘Bahay ni San Jose’ sa Makati City.
Nakasaad sa journal ni Luy ang kabuuan ng kanyang pananatili sa retreat house at sa kanyang sulat naman sa kanyang pamilya noong February 21, 2013 ang ginagawa nya sa loob ng bahay ni San Jose.
Ayon sa CA, sa pananatili ni Luy sa retreat house hindi nito naisip na tumakas at hindi rin nasabi sa iba ang kanyang sitwasyon.
Nagtataka din ang Appellate Court na sa mga pagkakataon na nakakalabas ng retreat house si Luy ay hindi rin siya humingi ng saklolo sa mga otoridad.
Tinukoy pa ng CA na nang isagawa ang rescue operation kay Luy noong March 2013, siya ay nagpumiglas na sumama sa mga myembro ng NBI at sinabi pa na walang ginawang iligal laban sa kanya si Reynald Jojo Lim na kapatid ni Napoles at isa rin sa mga akusado sa kaso.
Batay ito sa testimonya ng mga security personnel ng Pacific Plaza sa Taguig kung saan may inookupahang unit ang pamilya Napoles.
Una nang pinatawan ng Makati RTC Branch 150 si Napoles ng pagkabilanggo ng hanggang 40 taon matapos hatulan na guilty sa kaso.
Ulat ni: Moira Encina