Pagpapasya sa naisin ni Sen. de Lima na makadalo sa sesyon ng Senado nakasalalay sa Korte ayon sa DOJ
Bahala na ang hukuman na magpasya sa kagustuhan ng nakakulong na si Senadora Leila de Lima na makadalo sa mga sesyon ng Senado para makaboto sa mga mahahalagang panukalang batas.
Ayon kay Justice Undersecretary Erickson Balmes, ang korte na ang may hurisdiksyon kay de Lima dahil sa kaso nitong may kinalaman sa illegal drug trading.
Sa ngayon ay wala pang mosyong inihahain sa Muntinlupa City Regional Trial Court ang Senadora bagaman humihirit na ito ng suporta sa liderato ng Senado.
Sinabi ni Balmes na iginagalang ng DOJ ang rule of law at ang separation of powers ng mga sangay ng pamahalaan.
Pinag-aaralan na rin anya ng legal staff ng DOJ ang batas at jurisprudence sa nasabing isyu para makatugon sila sakaling hingin ng korte ang komento nila sa hirit na furlough ni de Lima.
Una nang inihayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na haharangin ng state prosecutors ang hiling ng Senadora dahil sa suspendido ang ilan sa mga karapatan at pribilehiyo ng mga akusado gaya ng pagdalo sa mga legislative sessions.
Ulat ni: Moira Encina