Pagtatayo ng pasilidad sa Philippine Rise posibleng masimulan na sa susunod na taon
Sisimulan na ng Department of Agriculture at Department of Environment and Natural Resources ang pagtatayo ng pasilidad sa Philippine Rise.
Ayon kay Senadora Cynthia Villar, Chairperson ng Senate Committee and Environment and Committee on Agriculture, posibleng ipaloob ang budget para dito sa panukalang 2018 National budget.
Ang hakbang ay kasunod aniya ng ginawang exploration ng mga opisyal ng gobyerno sa Philippine Rise kung saan nadiskubre na kaya nitong suportahan ang food requirements ng buong bansa.
Nadiskubre aniya ng mga opisyal ng DENR, DA, at mga eksperto na nagsagawa ng exploration na ang Philippine Rise ang itinuturing na resource-rich waters at spawning ground ng assorted fish species at iba pang angking yaman dagat nito na inaasahang nakakatulong para magkaroon ng sapat na pagkain.
Bukod sa pagtatayo ng pasilidad sa Philippine Rise, tutulong na rin ang Senado sa promosyon para protektahan ang teritoryo ng Pilipinas.
Sa pamamagitan ito ng inilunsad na exhibit sa Senado sa expedition sa Benham Bank, ang pinakamababaw na bahagi ng undersea feature kung saan ipinapakita ang mga likas na yaman ng Philippine Rise.
Sa ngayon, nakapending pa sa Senado ang panukala ni Senador Sonny Angara na layong magtayo ng Benham Rise Development Authority para madevelop bilang source ng alternative energy, marine resources at isa sa mga tourist destinations.
Ulat ni: Mean Corvera