Pagtugis sa mga kolorum na sasakyan mahigpit na ibinilin ni PBBM sa LTO

Ligtas na lansangan ang hangad ng gobyerno, kaya naman mahigpit ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa Land Transportation Office (LTO) sa kampanya laban sa mga hindi lisensiyado o kolorum na mga sasakyan.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, dahil sa pinaigitng na anti-colorum operations, daan-daang hindi lisensiyadong sasakyan ang nahuli at na-impound sa loob lamang ng tatlong araw.
Sinabi ni Castro, “Simula noong Pebrero 9 hanggang 11 ngayong taon, umabot na sa 353 kolorum na mga sasakyan ang nahuli ng LTO.”
Sa nasabing bilang, 107 ang na-impound habang 246 ang isinailalim sa ‘technical impoundment’ o plaka lamang ng sasakyan ang kinumpiska.
Bukod sa kampanya kontra kolorum, sinabi rin ni Castro na nag-deploy na ang LTO ng K-9 units sa mga terminal ng transportasyon at sa mga checkpoint.
Inilunsad din ang Mobile Command Center (MCC), upang matiyak ang tuloy-tuloy na monitoring ng trapiko at mapalkas ang pagpapatupad ng road safety.
Kaya umano ng MCC na mag-monitor ng trapiko ng real-time, matukoy ang plaka ng sasakyan at beripikasyon kung rehistrado, nakaw, o ilegal na binago ang mga sasakyan.
Madelyn Villar-Moratillo